Tuesday, February 12, 2013

5 Paraan upang Manatiling Malusog sa Trabaho

Ni Cheleen Bayubay



1.  Gawing palagiang kasama ang tubig. Tuwing umaga, punuin ng tubig ang isang baso at ilagay sa iyong mesa. Siguraduhin lang na ang iyong baso ng tubig ay malayo sa mga mahalagang papeles o sa kuryente. Ang palagiang pag-inom ng tubig ay mahalaga lalo na sa mga madalas uminom ng kape o mga inuming may caffeine. Ang mga ganitong inumin, tinatawag din na diuretic o mga inuming nakakapagpalabas ng tubig sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi, ay nakakadehydrate. Ang kakulangan ng tubig sa katawan ay maaring makaapekto sa maayos na pagtakbo ng utak. Kung inaantok sa trabaho, sa halip na uminom ng kape, maaring kumain ng mansanas dahil ito ay nakapagpapagising din kahit na ito ay walang caffeine.


2. Iwan ang upuan at tumayo. Ayon sa isang pag-aaral sa Unibersidad ng Sydney, ang mga taong nakaupo ng 8 oras o mahigit pa bawat araw ay 15% na mas malaki ang posibilidad na mamatay sa susunod na tatlong taon, aktibo man sa mga pisikal na gawain o hindi.


3. Huwag kalimutan ang ehersisyo. Ang mga simpleng ehersisyo sa mata, ulo, kamay at binti ay makatutulong upang mabawasan ang tensiyon at maiwasan ang pananakit ng mga kasukasuan. Ang matagal na pag-upo ay maaring maging dahilan upang magkaroon ng thrombosis o pamumuo ng dugo. Ito ay dahil nahihirapan ang mga ugat sa paa at binti na maitulak pataas ang dugo sa ating katawan dahil sa pwersa ng grabidad (gravity) na madali lamang nagagawa kung naglalakad sa tulong ng pagbanat at pag-igting ng kasukasuan. Ang mga ganitong pamumuo ng dugo ay nakababahala dahil maaari itong makabara sa mga ugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan o sa puso.


4. Kumain ng masustansyang miryenda. Ang mga prutas na mansanas, ubas, kahel, at melon ay mga prutas na mababa sa glycemic index, ang ibig sabihin mababa ang sugar at hindi makakapagdulot ng pagtaas ng blood sugar. Ang mataas na blood sugar ay maaring maging dahilan ng pagkagutom at pananamlay. Sa halip na kumain ng tinapay, na mataas sa glycemic index, kumain na lamang ng mga prutas.


5. Maglaan ng oras sa pagmumuni-muni. Ang pagmumuni-muni ay nakababawas ng cortisol, ang stress hormone. Ang sobrang cortisol ay nagdudulot ng sakit sa puso, depresyon, paghina ng memorya at malabis na katabaan (obesity). Ang pagmumuni-muni rin ay nakatutulong sa pagkamalikhain. Ang alpha brain waves, na isa sa mga sinusukat sa pagsusuri ng utak gamit ang EEG (Electroencephalogram), ay sinasabing nakatutulong sa pagiging malikhain. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong malikhain ay kinakikitaan ng alpha brain waves sa kaliwang bahagi ng utak. Ito ay nagagawa lamang kung ang isang tao ay nakapahinga, gising ang kamalayan at maliksi ang pag-iisip.


References:

“5 Ways to Stay Healthy at Work in 2013” by Eric Corl - www.upstart.bizjournals.com

“Healthy Lifestyle - Quick, Healthy Snack Ideas” - www.path2healthyliving.com

“The Benefits of Alpha Waves” – www.alphawaveengineers.com

(Ang article na ito ay mula sa Laksang Diwa Last Quarter Issue)

0 comments:

Post a Comment