Wednesday, February 13, 2013

Ikaw ang manguna

Ni Armeena Celine Pascual-Ramos


Ika nga sa isang linya sa pelikulang A Bug’s Life: “first rule of leadership: everything is your fault.”

Taong 2008, nag-apply ako sa Kasagana-ka naaalala ko pa ang tanong sa akin: “Ano sa palagay mo ang katangian ng mahusay na leader?” Sinagot ko ito ng basic: “ang mahusay na leader po ay mabuting tagasunod”. Tapos.  Bilang training assistant noon, madalas akong humarap, hindi lang sa mga mas senior na SO ganoon din sa mga branch manager.  Kailangan kong matutuhan nang mabilis ang takbo ng operation, lunukin ang kaba at humarap nang may pagtitiwala sa sarili sa panahon ng  trainings at meetings.
Ang sabi ko noon: “Hintayin mo ako Mancom!” Makaraan ang hindi mabilang na assignment at limang taong serbisyo, nililingon ko ang sagot ko sa tanong sa akin sa screening. Tama lang pala na iyon ang isinagot ko gaano man ka-basic ang prinsipyong iyon.  Kung itatanong ulit sa akin iyon, palagay ko ay pareho pa rin ang isasagot ko, yun nga lang mayroon na akong baong bala gawa ng mga itinuro sa akin ng experience at ng panahon.
Apat na taon na ako sa Mancom. At ang pinakamakabuluhang prinsipyo ng leadership na natutunan ko ay ang accountability. Ika nga sa isang linya sa pelikulang A Bug’s Life: “first rule of leadership: everything is your fault.” Hindi maaring idahilan ng isang leader na ang isang kapalpakan ay kasalanan ng tao niya, dahil ang unang-unang dapat managot sa anumang sitwasyon ay ang leader mismo.
Sa artikulong isinulat ni Theo Jamison, CEO ng isang consultancy firm sa Amerika, na ang pangunahing gawain ay magbigay ng gabay sa mga organisasyon sa paghuhusay at paglilinaw sa kultura ng organisasyon, ipinaliliwanag nang mas malalim ang konsepto ng accountability. Dito ay tinalakay na ang accountability ay hindi lamang dapat natatapos sa isang leader kung hindi ang mas malaking hamon ay kung paanong ang isang leader ay magagawa ang tinatawag na “employee accountability” sa kanyang nasasakupan. Ito ay dahil sa mahalagang papel ng leadership at employee accountability sa paglikha at pagpapanatili ng kahusayan ng isang organisasyon.
Narito ang simpleng gabay na makakatulong sa isang manager upang mabatak ang mga nasasakupan sa accountability tungo sa kanilang kahusayan:

1. Malinaw na tukuyin ang inaasahan o pamantayan na dapat nilang matugunan. Ang mga tao ay hindi maaring managot sa mga bagay na hindi nila alam. Hindi dapat ipagpalagay ng isang manager na alam na ng kanyang nasasakupan kung ano ang mahusay na trabaho. Marapat na kausapin ang empleyado at ipaliwanag, idetalye, at ibalangkas ang kung ano ang inaasahan sa kanya.

2. Isangkot ang mga nasasakupan sa pagpaplano at paghuhusay pa ng performance. Kapag ang inaasahan o pamantayan ay natukoy na, dapat itong ibahagi sa kanila sa panahon ng mga pagpupulong. Sa ganoong paraan ay nagkakaroon sila ng pagkakataong ipahayag ang kanilang mga saloobin at opinyon. Tanungin sila ng mga magpapasigla sa malikhaing pag-iisip gaya ng ano ba ang mga hamon na maari nilang makaharap sa pagtugon sa mga inaasahan at ano ang mabuting paraan upang ito ay masolusyunan. Sa katagalan, na ang mga nasasakupan ay nabibigyan ng pagkakataong mailahad ang saloobin ay magdudulot upang sila ay magkaroon ng commitment at suporta upang itaguyod ang adhikain ng team.

3. Practice what you preach. Anuman ang inaasahan o pamantayan na dapat tugunan ng mga nasasakupan, walang ibang pinakamabuting paraan upang ito ay maituro sa iba kung hindi ang makita nila na ang kanilang tagapamuno ang mismong gumagawa nito. Ito ay nagpapakita ng sinseridad sa mga bagay na dapat matupad.

4. Magbigay ng malinaw na batayan at sukatan ng performance. Bukod pa sa performance indicator na ginagamit ng buong organisasyon, ang isang manager ay maaring bumuo ng isang simple at malikhaing scorecard na maaring gamitin ng team sa pagsukat ng mahusay na performance ng team at ng mga indibidwal na bumubuo sa team.

5. Kilalanin ang mahusay na performance at panayang magturo sa mga hindi nakatutugon sa hindi inaasahan. Gawing priority ng isang manager ang regular na kilalanin at gantimpalaan ang nasasakupang palagiang mahusay na nakagagawa sa kanyang mga gampanin. Ito ay hindi lamang naghihikayat sa kanila upang panatilihin ang mataas na uri ng paggawa kung hindi ay nagtatakda ng pamantayang maaring tularan ng kanyang mga kasamahan. Hindi rin dapat ipagwalang bahala ng isang manager ang mga nasasakupang hindi nakatutugon sa inaasahan sa kanila. Ang manager ay dapat magtakda ng regular na coaching routine upang sila ay mapayuhan at magabayan upang mapabuti at mapaghusay ang kanilang paggawa.
-A bug’s Life Photo courtesy of Ars Electronica Archive (http://www.aec.at)
(Ang lathalain na ito ay mula sa Laksang Diwa Last Issue)


0 comments:

Post a Comment