Friday, September 6, 2013

3KT Training of Trainers: Paghasa, Paggabay at Pagsasanay


“Malusog na katawan ay ingatan, Labtest  ay kailangan nang sakit maagapan.”

Iyan ang isa sa tatlong slogan na sama-samang pinag-isipan ng labing-anim (16) na K-Kalusugan Kadet Trainers (3KT) sa nakaraang 3KT training of trainers noong Hunyo 27-29 at Hulyo 11-12, 2013 sa Femar Resort and Convention Center, Antipolo.

Ang pinagmulan

Noong Marso 2011, sa pakikipagtulungan ng Kasagana-Ka Development Center, Inc. (KDCI) at ng Kasagana-Ka Mutual Benefit Association, Inc. (KMBA) sa HealthDev Institute, Inc. ay nagkaroon ng Health Cadets Training. Ang mga Health Cadet ay nagmula sa piling Client Beneficiaries ng KDCI. Ang kanilang tungkulin ay nakapaloob sa tatlong bahagi: 1.) Tagapagpaalala- Tagapagbigay ng impormasyon sa kanilang mga kasamahan sa sentro tungkol sa mga programang pangkalusugan ng KDCI at tagapagpaalala ng regular na pagkonsulta ukol sa kalusugan ng pamilya 2.) Tagasubaybay- Pagsubaybay sa BP ng mga may altapresyon, blood sugar level ng mga diabetic, pag-inom ng gamot ng mga may TB at pagpunta sa Health Center para sa kanilang ‘Sputum follow-up’ at pag-unlad ng timbang at kalusugan ng mga malnourished na bata. 3.) Tagapagsangguni- Tagapag-ulat sa Health Center ng kaso ng tuberculosis, dengue, measles at iba pang nakahahawang sakit.
Mula sa pitumpo (70) na sinanay upang maging Health Cadets noong 2011, apatnapu’t tatlo (43) na lamang ang nagpatuloy bilang aktibong CBs. Mula sa natitirang Health Cadets ay nagkaroon ng pre-test upang matukoy kung sinu-sino ang maaring maging trainers. Tatlumpu’t tatlong (33) Health Cadets lamang ang kumuha ng pagsusulit at mula doon ay mayroong labing-pito (17) na nakapasa upang maging trainers.

3KT: Training of Trainers

Labing-anim lamang na Health Cadets ang nakadalo sa naging training. Dito ay nalaman nila ang tungkulin na dapat gampanan ng isang trainer. Bilang trainer, sila ang mga taga-hatid ng impormasyon sa mga K-Kalusugan Kadet (KKK) at magsisilbing mentor at gabay ng mga KKK. Ang ating mga trainer ay sina: Nora Magallanes, Dyeselene Magno, Jesus Doria, Nelida Graciadas, Criselda Oliva at Hermilita Ramos mula sa East 1 cluster, mula naman sa East 2 cluster ay sina Corazon Cariaga at Mary Lagata, sa North 1 cluster ay sina Ashley Gutirrez at Bernadeth Erni, sina Eva Alamag, Jesus Arabiana, Ma. Teresa Bucad naman ang mula sa North 2, sa Central 1 naman ay si Josephine Abugan at sina Angeles Arboleda at Diana Dela Pena naman ang mula sa Central 2.
Kasama din sa training na ito ang anim na Health Champions mula sa bawat cluster: Warlito Cabantog para sa North 1, Jonalyn Taduran para sa North 2, Christian Abaiza para sa Central 1, Ma. Fritzie Renegado para sa Central 2, Sarah Jean Flordeliza para sa East 1 at Carl Kenneth Manombaga para sa East 2.
Nagmula naman sa HealthDev Institute ang mga magtuturo at magbibigay ng gabay sa ating mga trainer. Sa pagtatapos ng limang araw na training, inaasahan na ang mga trainer ay: malinaw na makapagtuturo ng mga paksang pangkalusugan, matukoy ang mga health hazard sa kanilang tahanan at komunidad na dapat pagtuunan ng pansin at kung ano ang mekanismo na dapat gawin upang tugunan ito, maunawaan na ang kahulugan ng kalusugan ay ang pag-aadapt sa kalikasan at maunawaan ang lawak ng kanilang tungkulin bilang community health workers at kung kailan at saan dapat mag-refer ng pasyente.

Training Days

Sa loob ng limang araw ay sama-samang nag-aral at natuto ang ating mga trainer. Mayroong pitong module na tinalakay sa loob ng limang araw. Ang mga module ay ang mga sumusunod: Module 1: Konteksto ng K-Kalusugan Program, Module 2: Mga tungkulin ng K-Kalusugan Kadet at K3 Trainer, Module 3: Pagpapatupad sa K-Kalusugan Program, Module 4: Pag-unawa sa mga susing mensahe ukol sa karaniwang di-nakahahawa at nakahahawang sakit (NCD/CD), Module 5: Women’s Health, Module 6: “Ako bilang K-Kalusugan Kadet Trainer”- Isang pagninilay at Module 7: Pagsasanay sa Basic First Aid. Ang bawat araw ay naging produktibo sa ating mga trainer dahil sila ay nabibigyan ng pagkakataon na makapag-brainstorming, makapag-ulat, gumamit ng idea cards at maghayag ng kanilang mga sariling karanasan pagdating sa usaping pangkalusugan. Sa ikalawang araw ay gumawa ng slogan ang ating trainers tungkol sa K-Kalusugan Program window 1 at window 2 at K-Kalusugan Kadet. Sa ikatlo at ikaapat na araw ay nasubok ang kakayanan ng ating mga trainer na magsalita at magturo sa harap ng kanilang mga kasama. Sa tulong ng kanilang visual aids ay naisagawa naman ito ng maayos ng mga trainer. Sa ikalimang araw naman ay naging interactive ang pag-aaral tungkol sa Basic First Aid. Masaya ding tinanggap ng bawat isa ang kanilang mga Certificate of Appreciation.

 Reflection

“Okay naman yung training, masaya at maraming dagdag na impormasyon lalo na yung sa first aid kaya lang bitin yung topic, sana mas mahaba yung time.” - 3KT Trainer Dyeselene mula sa Montalban FO

“Sa ginawang training nadagdagan ang aking kaalaman, self-confidence at nakapag-relax na din.” - 3KT Nora mula sa Montalban FO

“Okay ang training, nadagdagan ang aking kaalaman sa first aid, naging mas confident na at kaunting practice pa sa pagpapaliwanag sa harap ng maraming tao, maoovercome ko din ang medyo madaling mainis.”- 3KT Jesusa mula sa Masinag FO.

“Naibabahagi ko ang natutunan ko sa aking mga member lalong lalo na ang tungkol sa sakit.” - 3KT  Criselda mula sa San Mateo FO.

Tunay ngang ang mga ganitong training ay nagbibigay ng panibagong sigla at lakas ng loob para sa ating mga nanay. Nagiging daan din ito para sa pag-unlad ng kanilang mga kaalaman at naibabahagi pa nila ito sa iba nilang mga kasama.
Bilang gabay ng mga magiging K-Kalusugan Kadet, inaasahan na maayos na maibabahagi ng mga trainer ang kanilang mga kaalaman at mga natutunan.

0 comments:

Post a Comment